Habang
pauwi ako mula sa huling klase natin noong Lunes, may isang puntong nanatiling
maigting para sa akin. Ang pagkamatay ng wika. Mula sa pag-uulat ng
isang kaklase, nabanggit na sa pagkamatay ng isang wika, may kulturang
nawawala. Nanatili ito sa aking isip.
Napagbasa
tuloy ako ng mga artikulong ukol sa unti-unting pagkamatay ng mas maliliit na
wika dahil sa pag-usbong ng wikang Inggles sa buong mundo. Bilang isang guro sa
panahong ito, ang lahat ng aking itinuturo at isinusulat ay nasa wikang
Inggles. Kahit sa sarili ko, tila namamatay na ang ating wika. Ito ang dahilan
kung bakit pinili kong isulat ang huling sanaysay na ito sa Filipino.
Pagsasalita
at Pagsusulat sa Filipino
Mga
tatlong taon na siguro ang nakaraan nang makipagsapalaran ako sa iba't ibang
kababaihan para sa aking kahuli-hulihang papel sa Sikolohiya. Gumamit ako
ng pakikipagpanayam sa aking metodolohiya, at kinausap ko ang iba't ibang
kababaihan ukol sa proseso ng kanilang pagpili ng mga propesyon at
trabaho. Pagkatapos kong iparinig ang mga pakikipagpanayam ko sa isa sa
aking mga kritiko, nabanggit niya sa akin na mahusay raw akong makipagpanayam
sa wikang Filipino, dahil mas nailalabas ng mga kababaihan ang kanilang mga
saloobin nang buong-buo. Mas makabuluhan daw ang pakikipagpanayam ko kapag
kinakausap ko sila sa wikang Tagalog. Ito naman ay aking pinagpatuloy sa mga
kababaihang mas sanay sa wikang Filipino. Totoo nga naman. May mga naibahagi
silang mga saloobing hindi naipaliliwanag nang mabuti sa Inggles.
Nakipagpanayam
man akong gamit ang wikang Tagalog sa ilan sa mga kababaihan, hindi ko isinulat
ang papel sa wikang ito. Sa halip, isinulat ko ang kabuuan ng papel sa
Inggles katulad ng nakakarami dahil unang-una, mas madaling magsulat sa wikang
Inggles. Pangalawa, ang mga terminolohiya at lahat ng mga kaugnay na
babasahin ay nakasulat sa Inggles. Matagal at mahaba man ang proseso, natapos
ko rin na ang yugtong iyon ng buhay ko. Ngayon, napaisip muli ako.
Nagtapos ako sa Unibersidad ng Pilipinas ng masterado sa sikolohiya nang hindi
nagsulat minsan man ng kahit isang papel sa wikang Filipino.
Kung
ako na sa aking palagay ay mainam pa ang kaalaman sa wikang Filipino ay hindi
malimit (hindi malimit = hindi madalas)
gumamit ng ating wika, paano pa ang ibang Pilipinong alam kong hirap na hirap
magsalita at magsulat sa wikang dapat ay ating kinalakihan?
Noong
taong 2004, ako ay naatasan magturo sa isang anim na taong batang lalaki. Siya
ay ipinanganak at lumaki sa Pilipinas sa mga magulang na Pilipino. Kinailangan
kong ituro sa kanya ang mga salitang “aso”, “ibon”, at iba pang mga hayop na
araw-araw niyang nakikita ngunit tinatawag lamang sa wikang Inggles. Isa lamang siyang halimbawa ngunit ilan
kaya ang tulad niya? Sa halos tatlong daang mga batang Pilipinong
nakakasalimuha ko sa paaralan, mabibilang sa aking mga kamay ang marunong
magsalita at magsulat nang mahusay at tuwid sa Filipino. Sabihin na natin na nagmumula ang
karamihan sa kanila sa mas nakakataas na bahagi ng lipunan kung kayamanan ang
pag-uusapan, ngunit sila pa rin ay mga Pilipino. Ito na ba ang simula ng
pagkamatay ng ating wika?
Mga Wikang
Pilipino: Sila ba ay namamatay na?
Para
sa kahuli-hulihang pagsusulat ko, sadya kong ginamit ang ating pambansang
wika. Aaminin man ng marami o hindi, ang paggamit ng wikang Filipino
(Tagalog) sa anyong purung-puro ay unti-unting nawawala. Hindi na tayo
halos nagsasalita sa wikang ito at kung magsasalita man tayo ay hinahaluan ng
mga salitang Inggles at iba pa.
Ang
Pilipinas ay maraming iba't ibang wika maliban sa Tagalog. May nakapagsabi sa akin na isang
dalubhasa sa pananalita na hindi dialekto ang ibang mga pananalita sa bansa
natin, ngunit sila rin ay mga wika. Halimbawa ng mga ito ay Waray, Cebuano,
Ilonggo, Chabacano, Panggalatok, at iba pa. Kaya ang itatawag ko sa
kanila ay “mga wikang Pilipino”.
Ako
ay nagagalak tuwing naririnig ko ang iba pang wikang Pilipino mula sa iba't
ibang bahagi ng Pilipinas. Kinagisnan ko ang Tagalog, ang pambansang wika ng
ating bansa, ngunit ikinatutuwa kong marinig ang ibang wika ng aking kapwa
Pilipino. Para sa akin, ang lahat ng wika natin kasama na rin ang
pagkakaiba-iba nila, ay bahagi ng ating pagiging Pilipino.
Ang
ating mga wika ay bahagi ng ating natatanging kultura dahil nagmula tayo sa
iba't ibang isla, isang pagpapatunay ng ating paninirahan sa isang arkipelago.
Maaaring sabihing ito ay naghihiwalay sa ating lahat, ngunit naniniwala akong
may kaisahan sa ating pagkakaiba at marami tayong matututunan sa ating mga
pagkakaiba. Mayamang mayaman tayo
sa kultura.
WIKANG
KINASANAYAN SA EDUKASYON
Bilang
guro, sang-ayon ako sa paggamit natin ng wikang kinasanayan sa mga nakababatang
baitang. Naniniwala ako sa mas
madaling pagkatuto ng mga bata sa paaralan kung ang gagamitin na wika ay ang
kanilang kinagisnan.
Ako
mismo noong mga taong 1990-1991, kung tama ang aking pagkaalala, ay nag-aral
gamit ang wikang Tagalog.
Nagkaroon kami ng mga asignaturang nagngangalang Sipnayan (Math), Agham
(Science), Relihiyon, Sibika at Kultura, at iba pa. Tila dalawa lamang ang nasa
wikang Inggles tulad ng 1) Language Arts
at 2) Reading and Phonics. Nagbago na
lamang ito habang nasa kalagitnaan ng mababang paaralan kung saan Filipino at
Sibika Kultura na lamang ang nanatiling itinuturo sa Tagalog. Sa aking palagay, naging mahusay naman
ako sa parehong wika.
Naniniwala
ako sa madaling pagkatuto gamit ang wikang kinagisnan para sa mga bata. Ang mga katanungan ko lamang ay
ito: Sa pagbabalik natin ng
kinasanayang wika sa pag-aaral, handa ba tayo sa panahon ngayon, isang panahon
sa gitna ng globasisyon, na maituro ang mga asignatura nang buong-buo sa wikang
kinagisnan? Angkop at sapat ba ang ating mga aklat? Sapat pa rin ba ang ating
kaalaman sa ating mga wikang kinagisnan bilang mga guro?
PAGGAMIT NG
KRITIKAL NA PANANAW NG ISANG PILIPINO
Kung
ating bubusisiin ang mga lahat ng "ismo" na pinag-aralan natin sa
klase mula sa isang Kritikal na Pananaw, ang lahat ng ito ay nagmula sa
pag-iisip ng mga taong naninirahan sa Kanluran. Tumpak. Wala sa kanila ang
nagmula sa Silangan (maliban kay Vygotsky na mula sa Russia ngunit siya ay mas
mula sa Hilaga at mas nalalapit ang kultura sa mga nasa Kanluran kaysa sa mga
tao sa Silangan ng mundo). Sa pananaw ng isang Pilipino, kung ito ay
iisiping mabuti, kahit ang Kritikal na Pananaw mismo ay nagmula rin sa
Kanluran.
Para
sa Pilipinong tulad ko, maaari rin nating itanong ang mga puntong inilahad ng
Kritikal na Pananaw.
Sino
nga ba ang nagdedeklara ng direksyon ng edukasyon?
Ano
nga ba ang pakay ng edukasyon?
Ano
ang mga asignatura at mga paksang kinanakailangan matutunan ng isang mag-aaral?
Hindi
ba't kung iisipin nating mabuti, sumusunod tayo sa desisyon ng nakatataas at
makapangyarihan ukol sa sarili nating edukasyon?
Kung gagamitin ang Kritikal na Pananaw
ng isang Pilipino, hindi ba’t tayo ang mga taong sunud-sunuran sa mga
makapangyarihan? Mula pa sa kasaysayan ng Pilipinas, hanggang sa mga nagaganap
ngayon, hindi ba’t tila may pagkakapareho lamang ang mga pangyayari? Oo nga at
tayo ay pisikal na “malaya” mula sa
mga Kastila, Amerikano, at Hapon na noon ay sumakop sa ating bansa. Makikita sa ating karapatan bumoto at
magkaroon ng sariling pamahalaan sa panahon ngayon ang kalayaan ng Pilipinas,
ngunit hindi tunay na malaya ang bansang ang karamihan ng mga miyembro ay nasa
kahirapan.
Sa aking palagay, hindi na
kinakailangan ng pisikal na pagdayo sa isang lugar upang sumakop ng mga bansa
sa ating panahon ngayon. Sa
paggamit ng teknolohiya at salapi ngayon, maaaring masakop ang isang lipon
ng tao sa pamamagitan ng pagsakop ng kanilang pag-iisip at mentalidad.
Kung iisipin sa Kritikal na Pananaw,
mayroong mga makapangyarihan. Bilang Pilipino, kung susuriin natin ang maraming
mga bagay, masasabi nating nasasakop pa rin tayo ng makapangyarihan ng mundo.
Kung
gagamitin ang Kritikal na Pananaw sa Edukasyon, hindi ba't nararapat lamang na
tayo ang magsuri, magsulat, at maglimbag ng mga pangyayaring ating pinagdaanan
at naranasan bilang tao? Marahil mahalagang hikayatin ang pagbabasa ng mga
isinulat ni Teodoro Agoncillo,
Ambeth Ocampo, Renato Constantino, at iba pa maliban sa mga banyagang
manunulat ng kasaysayan.
Kung gagamitin ang Kritikal na Pananaw
sa Edukasyon, hindi ba't dapat nating siguraduhing ang wika natin ay hindi
mamamatay kahit na matuto at maging mahusay tayo sa Inggles o iba pa man?
Kung gagamitin ang Kritikal na Pananaw
sa Edukasyon, hindi ba't mayroon tayong sariling kultura, kwento, at pinagmulan
na naiiba at nauna pa sa mga Digmaang Pandaigdigan? Mayroon tayong kasaysayan
bilang mga tao na nauna pa sa panahon ng Kastila o Amerikano o Hapon. Mayroong
mga nagaganap ngayon sa lipunan natin na bahagi ng kasaysayang patuloy na nadaragdagan at lumalawak sa paglipas ng panahon.
SA WIKA AT
SA GAWA
Kung
tutuusin ang ating wika ay isa lamang sa mga aspeto na maaaring bigyang pansin ng
Kritikal na Pananaw. Hindi ito ang
pinakadulo ng lahat. Sa dulo ng
lahat, may mas nakahihigit sa wika.
Ito ang gawa.
Kaya
nga naman kung iisipin ang makalumang Panatang Makabayan, matagal nating
pinaulit-ulit ang dulo nito:
Sisikapin
kong maging isang tunay
na Pilipino sa isip, sa salita, at sa gawa.
na Pilipino sa isip, sa salita, at sa gawa.
SAAN PATUNGO
ANG ATING EDUKASYON?
Saan
patungo ang ating edukasyon? Ano ang nais nating maabot? Pagkatapos
mapag-aralan ang lahat ng -ismo, saan nga ba talaga tayo patungo? Ano ang pilosopiya ng edukasyong
naaangkop sa atin? Ano ang nais nating mangyari? Paano natin ito bubuuin?
Kung
gagamitin ang Kritikal na Pananaw, ang mga
mag-aaral ay dapat hikayatin mag-isip sa paraang kritikal. Ang mga guro ang
maghihikayat at magmumulat ng kanilang mga mata sa realidad ng lipunan.
Mula rito, sila ang mag-iisip kung ano ang magagawa.
KABATAAN. Sila ang hinuhubog upang makamit ang mga
mithiin ng edukasyon.
Ano
ang mithiin ng edukasyon mula sa Kritikal na Pananaw?
PAGBABAGO.